Kapitulo 19
1 Nang magkagayon, kinuha ni Pilato si Jesus at kaniyang hinagupit.
2 Ang mga kawal ay nagsalapid ng isang koronang tinik. Inilagay nila ito sa
kaniyang ulo at sinuotan nila siya ng balabal na kulay ube.
3 Sinabi nila: Mabuhay ang hari ng mga Judio at pinagsasampal nila siya.
4 Si Pilato nga ay muling lumabas at sinabi sa kanila: Tingnan ninyo,
inilabas ko siya sa inyo. Ito ay upang inyong malaman na wala akong
matagpuang anumang maisakdal sa kaniya.
5 Lumabas nga si Jesus na suot ang koronang tinik at ang balabal na kulay
ube. Sinabi ni Pilato sa kanila: Tingnan ninyo ang tao.
6 Nang makita nga siya ng mga punong pari at mga tauhan, sila ay sumigaw.
Sila ay sumigaw ng: Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus. Sinabi ni Pilato
sa kanila: Dalhin ninyo siya at ipako siya sa krus. Wala akong matagpuang
maisakdal sa kaniya.
7 Muli nga niya silang tinanong: Sino ang hinahanap ninyo? Sinabi nila: Si
Jesus na taga-Nazaret. 7Sinagot siya ng mga Judio: Kami ay may kautusan.
Ayon sa aming kautusan, dapat siyang mamatay sapagkat ginawa niya ang
kaniyang sarili na anak ng Diyos.
8 Nang marinig ni Pilato ang pananalitang iyon, lalo siyang natakot.
9 Siya ay muling nagpunta sa bulwagang hukuman at sinabi kay Jesus:
Taga-saan ka ba? Hindi siya sinagot ni Jesus.
10 Sinabi nga ni Pilato sa kaniya: Hindi ka ba makikipag-usap sa akin? Hindi
mo ba alam na ako ay may kapangyarihang ipapako ka sa krus at kapangyarihang
palayain ka?
11 Sumagot si Jesus: Hindi ka magkakaroon ng anumang kapangyarihan laban sa
akin malibang ibigay ito sa iyo mula sa itaas. Ang nagsuko sa akin sa iyo ay
higit ang kasalanan.
12 Mula noon tinangka ni Pilato na palayain siya. Ang mga Judio ay sumigaw
na sinasabing: Kung palalayain mo ang taong ito, hindi ka kaibigan ni Cesar.
Kung ginagawang hari ng sinuman ang kaniyang sarili siya ay nagsasalita
laban kay Cesar.
13 Nang marinig nga ni Pilato ang pananalitang iyon ay inakay niya si Jesus
palabas. Siya ay umupo sa upuan ng paghatol sa dakong tinatawag na
Pabimento. Sa Hebreo ito ay Gabata.
14 Noon ay paghahanda ng Paglagpas, mag-iikaanim na ang oras. Sinabi ni
Pilato sa mga Judio: Tingnan ninyo ang inyong hari.
15 Sila ay sumigaw: Alisin siya, Alisin siya! Ipako siya sa krus! Tanong ni
Pilato sa kanila: Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari? Ang mga punong pari
ay sumagot: Wala kaming hari maliban kay Cesar.
16 Kaya nga isinuko niya siya sa kanila upang ipako sa krus. Kinuha nila si
Jesus at siya ay inilayo.
17 Siya ay lumabas na pasan ang kaniyang krus. Pumunta siya sa dakong
tinatawag na pook ng bungo. Ito ay tinatawag sa wikang Hebreo na Golgotha.
18 Doon nila siya ipinako sa krus. Dalawa ang kasama niya, isa sa bawat
panig at napapagitna si Jesus.
19 Si Pilato ay sumulat ng isang pamagat at inilagay ito sa krus. Ganito ang
nakasulat: Si Jesus na taga-Nazareth, Ang Hari ng mga Judio.
20 Ang pamagat na ito ay nabasa ng maraming mga Judio. Ito ay dahil ang pook
na pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa lunsod. Ang pamagat ay isinulat sa
Hebreo, sa Griyego, at sa Latin.
21 Sinabi nga ng mga punong pari ng mga Judio kay Pilato: Huwag mong isulat,
Ang Hari ng mga Judio, kundi, sinabi niya, Ako ay Hari ng mga Judio.
22 Sumagot si Pilato: Ang naisulat ko na ay naisulat ko na.
23 Nang maipako na siya sa krus ng mga kawal, kinuha nila ang kaniyang mga
kasuotan. Hinati nila ito sa apat na bahagi. Isang bahagi sa bawat kawal at
gayon din ang kaniyang balabal. Ang tunika ay walang tahi, hinabing buo mula
sa itaas pababa.
24 Sinabi nga nila sa isa`t isa sa kanila: Huwag natin itong punitin.
Magpalabunutan tayo kung mapapasa kanino ito. Ito ay nangyari upang matupad
ang kasulatan na nagsasabi: Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan, at
nagpalabunutan para sa aking damit. Ginawa nga ng mga kawal ang mga bagay na
ito.
25 Nakatayo sa malapit sa krus ni Jesus ang kaniyang ina. Naroon din ang
kapatid na babae ng kaniyang ina, si Maria na asawa ni Cleofas at si Maria
na taga-Magdala.
26 Nakita ni Jesus ang kaniyang ina at ang alagad na kaniyang minamahal na
nakatayo sa malapit. Nang makita niya sila. Sinabi niya sa kaniyang ina:
Ginang, tingnan mo ang iyong anak.
27 Pagkatapos noon, sinabi niya sa alagad: Tingnan mo ang iyong ina. Mula sa
oras na iyon ay dinala siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan.
28 Pagkatapos nito, si Jesus na nakaaalam na ang lahat ng mga bagay ay
naganap na ay nagsabi: Ako ay nauuhaw. Sinabi niya ito upang matupad ang
kasulatan.
29 Mayroon doong nakalagay na isang sisidlang puno ng suka. Binasa nilang
mabuti ng suka ang isang espongha. Inilagay nila ito sa isang sanga ng
hisopo at idiniit sa kaniyang bibig.
30 Nang matanggap na nga ni Jesus ang suka, sinabi niya: Naganap na.
Itinungo niya ng kaniyang ulo at isinuko niya ang kaniyang espiritu.
31 Noon ay araw ng Paghahanda. Ang mga katawan ay hindi dapat manatili sa
krus sa araw ng sabat. Ang sabat na iyon ay dakila. Ang mga Judio nga ay
humiling kay Pilato. Kanilang hiniling na mabali ang mga binti ng mga nasa
krus upang sila ay maialis.
32 Dumating nga ang mga kawal at binali ang mga binti ng una. Ganoon din ang
ginawa sa isa na kasama niyang ipinako.
33 Pagpunta nila kay Jesus, nakita nilang siya ay patay na. Hindi na nila
binali ang kaniyang mga binti.
34 Isa sa mga kawal na may sibat ang tumusok sa tagiliran ni Jesus. Ang dugo
at tubig ay biglang lumabas.
35 Siya na nakakita nito ay nagpatotoo at ang kaniyang patotoo ay tunay.
Alam niyang nagsasabi siya ng katotohanan upang kayo ay sumampalataya.
36 Nangyari ang mga bagay na ito upang matupad ang kasulatan: Isa mang buto
niya ay hindi mababali.
37 Sinasabi sa isa pang kasulatan: Titingnan nila siya na kanilang tinusok.
38 Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay humiling kay Pilato na
makuha niya ang katawan ni Jesus. Si Jose ay isang alagad ni Jesus bagamat
palihim lamang dahil sa takot sa mga Judio. Pinahintulutan siya ni Pilato,
kaya siya ay pumunta roon at kinuha ang katawan ni Jesus.
39 Nagpunta rin doon si Nicodemo. Siya iyong noong una ay pumunta kay Jesus,
nang gabi. Siya ay may dalang pinaghalong mira at aloe, na halos isang daang
libra ang timbang.
40 Kinuha nga nila ang katawan ni Jesus. Binalot nila ito ng kayong lino
kasama ang mga pabango. Ito ay ayon sa kaugalian ng paglilibing ng mga
Judio.
41 Sa pook na pinagpakuan sa kaniya ay may isang halamanan. Sa halamanang
iyon ay may isang bagong libingan na hindi pa napaglilibingan.
42 Doon nila inilagay si Jesus sapagkat noon ay araw ng Paghahanda ng mga
Judio at malapit doon ang libingan. |